Sunday, April 9, 2017

Sa Aking Paglalakbay




Sa buhay na aking nilalakbay,
Nasaan ang liwanag?
Patuloy na hinahanap,
Kasalukuyang nakalutang,
Sa kalaliman, ako’y sumisid,
Nguni’t ‘di pa rin matagpuan,
Minsang nangarap na lumipad,
Kahit na walang pakpak,
Hanggang lumagapak,
Anong sa akin ay nakalaan?
Sa gitna ng kadiliman,
Patuloy kong kinakapa,
Sa maraming landas,
Sa aking inaakala mas pinili ang tuwid,
Nguni’t ‘di nakasisiguro,
Kung ito nga ang tunay,
Ilang beses nadapa at ilang beses din bumangon,
Maraming pagsubok aking nilampasan,
Pilit tinakasan at matatag na nilabanan,
Mga payo’t habilin ng mga nauna’t kasalukuyang pabalik,
Katapatan, sa sarili’t sa kapwa nagsilbi kong baluti,
Pagiging matatag na kalakip ay panalangin,
Ang siya kong tanging sandata,
Patuloy na lumalaban sa digmaan ng buhay,
Hangga't hindi matagpuan inaasam na liwanag,
Sa aking paglalakbay pilit kong tinatanaw,
Aking pangarap sa liwanag ng araw,
At balang araw umaasang ito’y hindi maaagaw,
Hanggang sa aking pagpanaw.
... At habang naglalakbay dito sa mundong ibabaw,
Sa aking mga mata madalas matatanaw ilaw na mapanglaw,
Kadilima'y inaagaw ang liwanag ng araw,
Tulad ng kadilimang nasa kalawakan,
Walang katapusan at walang hangganan, walang patutunguhan,
Kaibigan, paglalakbay nati'y hanggang kailan? Ano kaya patutunguhan?
Bakit nakikipaglaban araw araw kay kamatayan?
Saan ang himlayan? Mga katanungang walang katapusan,
Hanggang sa paghanap ng 'katotohanan', akoy naguguluhan,
Nagsimula daw ang 'ilawan', doon sa silangan,
Ngunit marami ang hindi nasisinagan at mas higit ang hindi nalilinawan,
May mga aral na dapat bantayan at kailangang alagaan,
Madalas ninanakawan at laging nawawalan,
Katotohanan at kalagayan, bakit pinagtatakpan?
Mula sa kahubaran, madalas binibihisan,
Ang 'Matandang ilawan' nasa puso ninuman,
Bakit hindi matagpuan?
Kailan makakamtan?
Kailan masisinagan?
Sa aking paglalakbay sa mundong kinagisnan,
Lugar na kinamulatan ay malayong silangan,
Pinalad na pinamanahan ng aral ng kaligatasan,
Pinagmamalaking walang hanggan,
Sa katubusan ng kasalanan,
Patungo sa kabanalan,
Maliligtas ay iilan,
Pagka't makitid ang daan patungo sa kalangitan...
Ito ba ang kasagutan?
Sa buhay na may katuwiran?
Ang muling katanungang sumasagi sa aking isipan,
Nais na makamtan ang katotohanan,
Tungo sa kaligtasan na hindi binihisan,
Hindi pinagtakpan at walang kasinungalingan,
Nagtatanggal ng alinlangan,
Pagka't may paninindigan...
Mahirap maglakbay na walang patutunguhan,
Buhay na walang kabuluhan,
At wala kang matututunan,
Ilan sa katanungan,
Ano ang totoo at ano ang hindi?
Sa aking nilakbay aking nakasabay,
May nagpapanggap kapag nakaharap,
Kulay kinukubli sa likod ng maskara,
Buhay na pariwara,
Tinatabunan ng salitang magagara,
Sa aking nilakbay aking nakasabay,
May hindi nagagapi dahil sa salapi,
At dahil sa salapi ay kayang maging pipi,
Kapag dumadaan kagaya ng isang hari lahat tumatabi,
Ilan sa kalaban ay nagiging kakampi,
Maraming sumasapi dahil sa salapi...
Maraming naaapi dahil ang katarungan ay nabibili,
At ang katuwiran pilit binabali,
Ngunit patas ang laban,
Pagdating sa kamatayan,
Lumabas sa sinapupunan na wala kahit ano,
Maging sa paglisan maglalaho hanggang abo,
Sa pagbilang ng mga taon,
Lilimutin na ng panahon,
Kagaya ng tuyong dahon,
Sa lupa'y mababaon.
— Sa Aking Paglalakbay, Tumblr Writings 2017